10 Ninoy convict pinalaya na rin

MANILA, Philippines - Pinalaya na rin kahapon mula sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa ang 10 pang dating sundalong nasentensyahan sa pagpaslang kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino.

Kinumpirma ni Public Attorneys’ Office Chief Percida Rueda-Acosta ang pagpapalaya sa 10 preso kasabay ng pagsasabing mismong taga-Malacañang ang tumawag sa kanya at ipinaalam ang paglagda ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa executive clemency ng mga ito.

Kabilang sa pinalaya ay sina Arnulfo Artates, Romeo Bautista, Jesus Castro, Ruben Aquino, Arnulfo de Mesa, Rodolfo Desolong, Claro Lat, Ernesto Mateo, Felomino Miranda at Rogelio Moreno.

Naunang pinalaya ang iba pang nasentensyahan sa naturang kaso sina Rolando de Guzman at Felizardo Taran noong nakaraang Pebrero 6, 2009   sa pamamagitan din ng executive clemency.

Sinabi ni Justice Secretary Raul Gonzalez na nilagdaan na rin niya ang release order ng 10 convict at naibigay na ito kay Acosta. 

Pinagkalooban ni Pangulong Macapagal-Arroyo ng Executive Clemency ang sampu matapos makapag­silbi ng may 20 taon sa bilangguan. (Rose Tamayo-Tesoro, Gemma Garcia at Rudy Andal)

Show comments