MANILA, Philippines - Napaslang ng Philippine National Police (PNP) ang isa sa tatlong suspek na pumatay sa Indonesian Priest na si Fr. Franciskus Madhu sa Lubuagan, Kalinga province. Sa liham na ipinadala ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa kay Indonesian Ambassador Irzan Tandjung, sinabi nito na napatay ang suspek na si Nestor Wailan sa isinagawang follow-up operation ng pulisya noong Pebrero 9, 2008 sa Sitio Malusong, Brgy Canao, Lubuagan, Kalinga Province.
Samantala, ipinag-utos din ni Versoza sa Regional Director ng Police Regional Office ng Cordillera na tugisin at arestuhin ang nakatakas na suspek na si Joel Awingan.
Si Madhu ay parish priest ng Saints Paul and Peter Parish Church sa Kalinga Province kung saan ito ay binaril nina Wailan, Awingan at Acmor Bonggawon noong Abril 1, 2007 kaya nasampahan ng kasong murder ngunit naabsuwelto naman ang huli. (Joy Cantos)