MANILA, Philippines - Dadaan sa butas ng karayom ang anumang planong pagtataas ng tuition fees sa kahit anong paraan.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang muling pagtataas ng tuition fees ay tahasang pagkitil sa karapatan ng mga kabataang matuto at makapag-aral.
Ayon sa naturang grupo, nakiisa sa kanila ang mga mag-aaral ng University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa pagtutol sa tuition fee hike.
Ayon kay John Eduard Nebre, ng PUP Commonwealth, hindi lahat ng estudyante ay may kakayahang magbayad ng malaking tuition fees dahil sa kanilang paaralan pa lamang, halos hindi makabayad ng P10 kontribusyon ang mga estudyante dito dahil ang iba umano sa kanila ay naglalakad pa ng limang kilometro makapasok lamang sa paaralan.
Samantala, nanindigan naman ang mga private schools na hindi na mapipigilan ang pagtaas ng tuition fee ngayong darating na pasukan.
Kahit pa umano may nararanasang global financial crisis at kahit ano pa ang gawing pakiusap ng Commision on Higher Education at Department of Education ay kailangan nilang gawin ito.
Ayon sa Federation of Private Schools and Administrators, 15 percent pagtataas sa matrikula ang maaaring ipatupad nila ngayong pasukan.
Dapat anilang unawain ng publiko ang nasabing tuition fee increase dahil madadagdagan din naman ang kanilang gastos para sa dagdag na sahod ng mga guro at pagpapaganda ng pasilidad ng mga paaralan. (Angie dela Cruz)