MANILA, Philippines - Hinatulang makulong ng 16-buwan ang bookkeeper ng Filipino boxing icon na si Manny Pacquiao matapos mapatunayan na binulsa nito ang $89,000 at pineke ang pirma ng una.
Sa ulat, si Pia Anatalia Quijada, asawa ng driver ni Pacquiao, ay pinatawan na makulong ni Los Angeles Superior Court Commissioner Henry Hall ng maghain ito ng “no contest” plea sa korte sa kasong grand felony at 32 bilang ng forgeries nang pirmahan nito ang 32 tseke na nagkakahalaga ng $89,000 at nakawin.
Pinagbabayad din si Quijada ng danyos na $89,383.49 bukod pa sa pagsosoli ng ninakaw na mga tseke.
Panandaliang makakalaya si Quijada kung makakapaglagak ng halagang $90,000. Pinagkatiwalaan umano si Quijada ng kampo ni Pacquiao na mag-asikaso sa bangko dito.
Sa ngayon ay nakadetine si Quijada sa Century Regional Detention Facility sa Lynwood, California. (Mer Layson)