Limang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang lumalabas ngayon na gumagamit ng iligal na droga makaraang magpositibo sa ipinatupad na “random drug tests” ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa ulat ni Jail Director Rosendo Dial kay Secretary Ronaldo Puno, dalawa sa mga nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga ay galing sa National Capital Region at National Headquarters, tig-iisa sa Region 1, 3 at Cordillera Administrative Region.
Hindi naman binanggit sa ulat ang pangalan ng mga naturang jail personnel at kung anong klaseng droga ang ginagamit ng mga ito habang nakatakda pang magsagawa ng “confirmatory tests” base sa prosesong kanilang ipinatutupad.
Kung magpopositibo muli, agad na sisibakin sa tungkulin ang na turang mga jail personnel base sa ipinatutupad na “one strike policy” ni Secretary Puno at posibleng masampahan pa ng kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa kabila nito, positibo pa rin ang pananaw ng DILG kung saan nakita ang pagkukulang ng ilang tauhan ng BJMP habang nakita rin na napakaliit na porsyento lamang ang limang nagpositibo sa kabuuang tauhan ng ahensya.
Sinabi ni Undersecretary for Public Safety Atty. Marius Corpus na siyang nakakasakop sa BJMP, .25% lamang ang lima sa 2,007 jail personnel na sumailalim sa drug tests. (Danilo Garcia)