Humihingi ngayon ng “discount” si Philippine National Police (PNP) retired comptroller director Eliseo dela Paz sa mga Russian authorities para babaan ang singil sa “bank fees” kaugnay sa pag-transfer ng ipinapabalik sa kanyang Euro money dito sa Pilipinas.
Nabatid na sa harap ng ultimatum ng National Police Commission (Napolcom) kay dela Paz na maibalik hanggang sa katapusan nitong buwan ang kabuuang 105,000 euros (P6.9 million), pinagsisikapan umano ng retired official na maisauli ang naturang halaga sa lalong madaling panahon.
Sa kasalukuyan ay nakikipag-negosasyon umano si dela Paz sa Russian authorities na kung maaari ay bigyan siya ng discount para sa bank charges na ipinapataw ng mga ito para sa bank transfer ng naturang euro money.
Magugunita na una ng nagbanta ang liderato ng PNP na haharap sa kasong sibil si dela Paz kapag hindi nito natugunan ang taning na ibinigay sa kaniya.
Sa kasalukuyan, nasa 85,000 euros o P5.27-M na lamang ang balanse ni dela Paz matapos maisauli na nito ang 20,000 euros o P1.24-M. (Rose Tamayo-Tesoro)