Mas tumindi pa ang nangyayaring ‘word war’ o palitan nang maaanghang na salita sa pagitan nina Sen. Alan Peter Cayateno, dating chairman ng Senate Blue Ribbon Committee at Sen. Richard Gordon, na kasalukuyang humahawak ng nasabing komite.
Tinawag kahapon ni Cayetano si Gordon na “mas masahol pa kaysa kay Pontio Pilato” dahil halatang-halata umano na protektor ito ni Pangulong Gloria Arroyo.
Nauna rito, tinawag ni Gordon si Cayetano na “askal” at ‘bata-batuta” matapos magpahayag ang huli na hindi ito kumporme sa ipinalabas na report ng blue ribbon committee na mistulang naglilinis sa pangalan ni Pangulong Arroyo kaugnay sa P728M fertilizer fund scam.
Ayon kay Cayetano, hinog sa pilit ang nasabing report ng komite ni Gordon.
Bagaman at maayos naman aniyang nagawa ni Gordon ang kanyang tra baho bilang chairman ng komite habang isinasagawa ang imbestigasyon, pero hindi umano dapat linisin ang pangalan ng Pangulo dahil maraming circumstantial evidence na tutumbok sa Malacanang.
Pinaninindigan naman ni Gordon na isa siyang independent senator at hindi sunod-sunuran sa Palasyo. (Malou Escudero)