MANILA, Philippines - Umuwing putol ang paa, lusaw ang limang daliri sa mga kamay at sunog ang mukha ng isang OFW makaraang tumama sa kanya ang 13,000 boltahe ng kur yente nang hagupitin ng sandstorm ang isang construction site sa Saudi Arabia.
Naka-wheelchair nang dumating sa NAIA Terminal 1 si Arnold Decina, 32, ng Binan, Laguna na lulan ng Saudia Airlines flight 860 kamakalawa.
Nangyari ang insidente noong Abril 13, 2008.
“Nasa loob ako ng truck at nagdidiskarga ng buhangin nang biglang magkaroon ng sandstorm. Walang nakapansin na lumaylay ang kable ng poste at pumalo ito sa bubungan ng truck,” ani Decina.
Sa tindi ng lakas ng kuryente ay sumabog lahat ang gulong ng trak habang tumilapon si Decina palabas ng sasakyan.
Nagising na lamang siya sa ospital kung saan apat na buwan siyang nanatili rito. Pinalitan ng stainless ang kanyang paa para makalakad sa tulong din ng dalawang saklay.
Tanging insurance para sa hospital coverage ang nakuha nito at wala na itong benepisyong na tanggap maliban sa 1,900 riyals na binigay ng kanyang employer at pamasahe pauwi sa Pilipinas.
Tiniyak naman ng OWWA kay Decina na may mga benepisyong makukuha ito mula sa OWWA fund na nakalaan sa mga biktimang gaya niya na posibleng abutin sa P25,000 dahil sa pagkaputol ng kanyang kaliwang paa. Hindi pa matiyak kung magkano ang makukuha para naman sa naputol na mga daliri nito. (Ellen Fernando)