Umaabot sa 60,000 Pilipino ang nabibiktima ng human trafficking sa bansa taun-taon.
Ito ang ibinulgar kahapon ni Philippine National Police-Women and Children Protection Center Director Chief Supt. Yolanda Tanigue kung saan karamihan sa mga biktima lalo na ang mga kababaihan ay nasasadlak sa prostitusyon sa ibayong dagat.
Ang iba pang biktima ng human trafficking ay nagsisipagtrabaho naman bilang mga domestic helper, waitresses, tindera at iba pa.
Sinabi ni Tanigue na 40 porsiyento sa kabuuang 60,000 mga biktima kada taon ay pawang mga menor de edad at 60 porsiyento naman ang mula sa hanay ng mga kababaihan.
Karamihan ay mga biktima rin ng illegal recruitment habang ang iba naman ay walang mga kaukulang dokumento at hindi dumaan sa tamang proseso sa pagpasok sa iba’t-ibang mga bansa. (Joy Cantos)