MANILA, Philippines - Ipinag-utos ng Korte Suprema na mabulok sa bilangguan ang isang ama na napatunayang nangga hasa sa 9-anyos na anak, na nagresulta din sa pagbubuntis at panganganak ng huli sa Aroroy, Masbate noong 1998.
Sa kautusang ipinalabas ng Supreme Court 2nd Division, pinatawan ng reclusion perpetua si Restituto Valenzuela, residente ng Barangay Concepcion, Aroroy, Masbate sa pagkatig sa naging hatol ng Masbate Regional Trial Court Branch 48 at sa pagpabor din ng Court of Appeals (CA) na guilty sa dalawang bilang ng kasong statutory rape ang akusado.
Nabatid na sinimulang gahasain ni Valenzuela ang anak noong 1994 nang 9 na taong gulang pa lamang ito, habang nasa gapasan ng palay ang ina at ang nakababatang kapatid ay naglalaro sa kapitbahay.
Sa takot sa ama matapos pagbantaan hindi nagsumbong sa ina ang biktima na may dugo ang kaselanan dahil sa panghahalay sa kaniya.
Disyembre 1997 ay muli umanong naganap ang panghahalay ng ama sa biktima, sa edad na 11 anyos at Agosto 1998 ay napansin ng ina na malaki ang tiyan ng anak. Oktubre 20, 1998 ay nagsilang na ito at inamin na ang ama ang nakabuntis.
Hindi na maaring itanggi pa ng akusado ang krimen nang ipanganak ang bunga ng panggagahasa kahit pa idinepensa nito na may galit lamang ang kaniyang bayaw kaya sinusulsulan na siya ay idemanda.
Una nang hinatulan ng mababang korte ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection subalit sa pag-amyenda sa batas, habambuhay na lamang ang maaring ipataw sa akusado.
Pinababayaran din sa akusado ang biktima ng civil indemnity sa halagang P50,000 at P25,000 exemplary damages, batay sa kautusang ipinonente ni Associate Justice Arturo Brion. (Ludy Bermudo)