MANILA, Philippines - Binalaan kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang mga opisyal at tauhan nito na bawal ang mga itong mag-istambay sa mga motel, bar at sabungan kaugnay ng pagdiriwang ngayon ng Araw ng mga Puso.
Ayon kay Police Directorate for Police Community Relations (DPCR) Chief P/Director German Doria, sinumang mga pulis na mahuhuling nagbababad sa mga motel, bar at sabungan ay mahaharap sa kasong administratibo.
Ang babala ay matapos makarating sa kaniyang kaalaman na may ilang matitigas ang ulo at walang delicadezang mga pulis na sa kabila ng naka-uniporme ay nakukuha pang magbabad sa mga hotel, bar at sabungan.
Ilan rin umano sa mga abusadong pulis ay ayaw pang magsipagbayad ng kanilang mga bills na ipinapanakot sa mga may-ari nito ang kanilang mga tsapa.
Hindi rin tatanggapin ng PNP ang alibi ng mga pulis na kaya nasa motel sila ay dahilan Valentine’s day lalo na kung naka-duty ang mga ito.
Ipinagbabawal rin ng PNP na mag-istambay ang mga police patrol car sa mga motel, bar at sabungan lalo na kung wala naman ang mga itong isinasagawang operasyon sa naturang mga lugar.
Sinabi ni Doria na ang nasabing hakbang ay alinsunod sa mahigpit na pagpapairal ng disiplina na ipinatutupad ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa. (Joy Cantos)