MANILA, Philippines - May sariling motibo ang World Bank kung bakit idinadawit ang ilang opisyal ng pamahalaan kasama na ang Pangulo at First Gentleman sa umano’y bid rigging sa mga proyektong tinutus tusan nito.
Ito ang iginiit kahapon ni dating Surigao del Sur congressman at Local Water Utilities Administration chairman Prospero Pichay. Sinabi niya na may mga sariling pinapaborang kontratista ang WB para isagawa ang mga proyekto nito sa bansa. Iyan aniya ang tunay na dahilan kung bakit pinagbintangan ng World Bank ang mga kontraktor ng Pilipinas na umano’y sangkot sa maanomalyang bidding.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Pichay na may sariling mga kontrator ang WB na gustong makakopo ng mga proyekto sa Pinas na pinondohan ng naturang bangko.
Aniya, kabilang sa mga pangalang nabanggit sa WB report na nag-leak sa media, kung ayaw ng WB sa mga kontraktor, idinideklara nilang bigo ang bidding subalit kung ang alok nama’y higit pa sa tunay na badyet ng proyekto, agad nilang inaaprubahan ang kontrata.
Iginiit din ng dating mambabatas na dapat ding siyasatin ang WB dahil sa pagpabor sa ilang Kontra tista.
Ayon pa sa kanya, wala kahit isang proyekto sa kanilang lalawigan na pinondohan ng WB dahil ang bidding para sa Surigao-Davao Coastal Road rehabilitation plan ay tatlong beses na idineklarang “failure” dahil sa bid price na lampas-lampasan sa inaprubahang badyet para sa proyekto.
Nakapagtataka aniya na ipinagkaloob pa rin ng WB ang dalawang proyekto sa isang Korean contractor kahit na mas mataas kaysa sa inaprubahang badyet ang bid price nito. (Butch Quejada)