Tiniyak ni Nacionalista President Senator Manny Villar na handa siyang sumuporta sa mga nagsisiuwing overseas Filipino worker na magsimula ng sariling negosyo sa kanilang bayan.
Pangunahing apektado ng pandaigdigang krisis pang-ekonomiya ang mga OFW dahil sa pagsasara o kaya ay pagtitipid ng kanilang kumpanyang pinapasukan.
“Tulad ng OFWs na sumusuporta sa kanilang pamilya at sa ating ekonomiya sa pamamagitan ng kanilang remittance, naniniwala ako na ang mga entrepreneur na pumapasok sa mga micro, small at medium enterprise ang bagong grupo ng mga bagong bayani ng lipunan,” hikayat ni Villar.
Ipinahayag ng Senador na ang programa ng kaniyang partido na Pondo sa Sipag, Puhunan sa Tiyaga ay bukas sa mga OFW-entrepreneur na gagamit ng “sipag at tiyaga” sa pagtatayo at pagpapalago ng kanilang sariling negosyo.
Ang programa na inilunsad noong nakaraang taon ay humirang ng 16 entrepreneurs mula sa iba’t ibang panig ng bansa at nabiyayaan ng dagdag na P100,000 puhunan bawat isa. (Butch Quejada)