Siniguro kahapon ng Malacañang na walang magaganap na pagtaas sa singil sa tubig taliwas sa naging pahayag ng Maynilad Waters Inc.
Sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde, pinapipigil ni Pangulong Arroyo ang anumang pagtataas sa singil sa tubig kaya dapat umanong magpaliwanag ang pamunuan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) dahil ipinangako nito mismo sa taumbayan na walang magaganap na water rate increase sa taong ito.
Aniya, bumababa na ang singil sa kuryente pero bakit gustong itaas naman ang singil sa tubig.
Ayon kay Sec. Remonde, kapag itinuloy ng MWSS ang pagbibigay ng permiso sa Maynilad na magtaas sa singil ay direktang pambabastos ito sa kautusan ng Pangulo. (Rudy Andal)