Nagbanta ang mga empleyado ng Land Transportation Franchising Regulatory Board at ng Land Transportation Office, gayundin ang ibat ibang transport groups na sila ay magsasagawa ng pagkilos kung aalisin sa puwesto sina LTFRB Chairman Thompson Lantion at LTO Chief Alberto Suansing.
Ayon sa mga kawani na ayaw ipabanggit ang mga pangalan, gumagawa sila ng position paper na nagsasaad ng kanilang pagka-disgusto sa pag-aalis sa puwesto sa nabanggit na mga opisyal para ibigay kay Pangulong Arroyo sa Ma lakanyang.
Sa panig ng transport na kinabibilangan ng samahan ng mga bus, taxi at jeep, nagbanta ang mga itong magsasagawa ng protesta at iba pang pagkilos kung mababago pa ang mamumuno sa LTFRB at LTO.
Anila, isang taon na lamang ay mawawala na rin sa puwesto ang dalawang nabanggit na opisyales matapos ang 2010 elections kaya marapat lamang na maipagpatuloy na lamang ng mga ito ang tungkulin upang hindi paghinalaan na isang “political gift” ang posibleng pagpunta ni ret Gen. Arturo Lomibao sa LTO.
Hanggang sa kasalukuyan ay nananatili sa kanilang mga puwesto ang dalawa dahil wala pa silang papel na nagsasabi ng kanilang paglipat sa ibang puwesto.
Unang napaulat na si Lomibao ang bagong LTO Chief, si Suansing ang bagong LTFRB chief at si Lantion ay magiging DOTC Undersecretary for Maritime Affairs. (Angie dela Cruz)