Desidido si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na ilabas ang mga ‘love letters’ ni First Gentleman Mike Arroyo kung patutuloy na itatanggi ng abogado nitong si Atty. Rudy Rondain na peke ang hawak niyang mga dokumento lalo na ang tungkol sa ‘appointment book’ na magpapatunay na binibisita siya ng mga kontratistang na-ban ng World Bank dahil sa sabwatan sa bidding.
Hinamon ni Lacson si Rondain na ubusin ang kanyang pasensiya at patuloy na itanggi ang sinasabing ‘appointment book’ upang mahayag sa publiko ang mga love letters ng Unang Ginoo.
“Sinasabi niya peke ang appointments book. I had to defend the credibility of the document I presented during the hearing. Para madagdagan ang credibility, ilalabas ko rin ang ibang dokumentong kasama ng appointments book na binigay sa akin ni Udong Mahusay July 21, 2003. Like pictures, personal letters, checks,” sabi ni Lacson.
Ayon pa sa senador, isang sako ang hawak niyang dokumento na tiyak na makakasira sa First Gentleman.
Sinigurado pa ni Lacson na “damaging” ang mga love letters na hawak niya at ipapakita niya ito sa media base na rin sa su sunod na hakbang ni Rondain.
May mga dokumento rin umanong hawak si Lacson kaugnay sa money laundering activities na makaka apekto sa Unang Ginoo.
Itinanggi ng kampo ni FG na may nakausap itong Japanese contractor hinggil sa proyektong popondohan ng WB.
Sinabi ni Rondain, naiinis na ang Unang Ginoo dahil lagi na lamang itong idinadawit sa mga kontrobersya subalit wala namang mga ebidensiya.
Aniya, bahala na ang WB na maglabas ng ebiden siya at hindi natatakot ang Unang Ginoo.
Solon, DPWH officials sabit din
Samantala, sabit din umano sa WB scandal ang isang miyembro ng House of Representatives at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)
Ayon kay Lacson, hawak na niya ang dokumentong isinumite ng WB sa Department of Finance (DoF) kung saan sabit ang pangalan ng isang congressman maliban pa kay FG.
Pero tumanggi ang senador na pangalanan kung sino ang congressman na nakasulat sa WB report.
Tinukoy naman ang isang Boy Belleza na taga- DPWH na madalas magtungo sa LTA building na pag-aari ng Unang Ginoo base na rin sa ‘appointment book’ o diary na pag-aari ng Unang Ginoo.
Direkta rin umanong nabanggit ang pangalan ni DPWH director Vic Perez sa ulat ng WB kaugnay sa nangyayaring manipu lasyon sa bidding ng mga proyekto.
Sa Diamond Hotel sa Maynila umano madalas mag-meeting ang mga sangkot na opisyal at mga kontraktor.
Umabot umano sa walong testigo ang na-interview ng WB na nagpapatunay sa nasabing sabwatan sa bidding. (May ulat ni Rudy Andal)