Isa umanong kontratistang Hapones ang tumestigo sa World Bank at idiniin si First Gentleman Mike Arroyo sa umano’y pagmamanipula ng mga subasta o bid rigging sa mga proyektong tinutustusan ng WB.
Ganito inilarawan ng naturang kontratista na hindi pinangalanan, ang kanyang pakikipagpulong kay Arroyo kasama ang isang dating Senador sa harap ng mga imbestigador ng WB na nagsisiyasat sa umano’y sabwatan ng mga kontratista at opisyal ng gobyerno para makakuha ng mga multi-milyong kontrata.
Nakalagay ang nasabing pahayag ng Japanese contractor sa report ng Integrity Vice President (INT) na isinumite sa World Bank na ibinalita naman ng ABS-CBN Newsbreak.
Ayon sa salaysay ng Japanese contractor, nilinaw sa kanya na mahalaga ang paglalaan ng bribe money sa pagnenegosyo sa Pilipinas at dito’y nakikinabang ang mga opisyal ng gobyerno mula sa Presidente, mga namumuno sa departamento at iba pang pulitiko.
Hindi naman ikinagulat ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang direktang pagkakasabit ni FG at isang dating senador sa WB report kaugnay sa nangyayaring suhulan sa bidding ng mga road projects sa bansa.
Pero aminado si Lacson na hangga’t hindi inilalabas sa publiko ang report o dokumento kaugnay sa suhulan ay mananatili pa rin spekulasyon ang lahat.
“I also heard about it. But in the absence of that report ordocument na nagsasabi noon, it remains speculation,” sabi ni Lacson.
Matatandaan na napaulat na sumabog sa hagdanan sa pagitan ng 7th at 8th floor ng LTA Building na pagmamay-ari ni Atty. Mike noong 2003 ang nasa P70 milyon cash na pinaniniwalaang ‘padulas’ sa P1.4 bilyong road project sa Edsa.
Isa sa mga contractor na na-blacklist ng WB ang E.C. De Luna Construction na pag-aari ni Eduardo de Luna at ang Cavite Ideal Construction at Pancho Construction.