Payag ang militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) na magpatupad ng “Valentine fare rollback” sa mga pampasaherong jeep kung bababa ang presyo ng diesel o magpapatupad ng substancial rollback ang mga kumpanya ng langis sa kanilang produkto.
Sinabi ni Piston secretary general George San Mateo, pinag-aaralan na nila ngayon ang naturang bawas-singil sa pamasahe para maipanukala sa gaganaping pagdinig sa darating na Febuary 18, 2009.
Sa Pebrero 18 ay takdang ipalabas ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang desisyon nito hinggil sa kung nararapat na magpatupad pa ng isa pang 50 sentimos na bawas sa pasahe sa jeep dahil sa mga nagdaang insidente ng pagbaba sa halaga ng produktong petrolyo.
Naniniwala si San Mateo na may kakayahan pa ang mga malalaking kumpanya ng langis na magbaba ng kanilang presyo.
Sa ngayon, P7.50 ang minimum na pasahe sa jeep. (Angie dela Cruz/Rose Tamayo-Tesoro)