Ipakukulong at bubulukin ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa Pasay City Jail sina Finance Secretary Margarito “Gary” Teves at Ombudsman chief Merceditas Gutierrez kung hindi nila maipapaliwanag ng maayos ang ginawang pag-isnab sa hearing kahapon ng Senate committee on economic affairs kaugnay sa kontrobersiyal na suhulan sa mga proyekto na popondohan ng World Bank kung saan tatlong kompanya ang ipina-blacklist.
Galit ding inirekomenda ni Santiago na sipain sa Office of the Ombudsman si Gutierrez at sampahan ng reklamo sa House committee on justice bilang legal na proseso sa pagsibak dito.
Hindi nakadalo ang dalawa sa pagdinig ng komite ni Santiago kaya pinagsusumite ang mga ito ng paliwanag sa loob ng pitong araw.
Ipinagtataka ni Santiago kung bakit inupuan ni Gutierrez ang report ng WB noong Nobyembre 2007 kung saan sinasabing nagkakaroon ng sabwatan ang mga contractors sa bidding ng mga road project sa bansa.
Inirekomenda rin ni Santiago ang pagsibak maging kay Public Works and Highways Secretary Hermogenes Ebdane Jr., dahil sa kawalan nito ng aksiyon sa report ng World Bank. (Malou Escudero)