P6-M ransom hingi ng kidnappers ng 3 guro

Humingi na ng P6 mil­yong ransom ang mga kidnaper ng tatlong  guro ka­palit ng pagpapalaya sa mga biktima na binihag nitong Biyernes sa kara­gatan ng Zamboanga City.

Batay sa report, pina­hintulutan rin ng mga kidnaper ang mga hostages para tawagan ang kani­ lang pamilya para maka­likom ng nasabing halaga o tig-P2-M ang bawat isa sa mga ito.

“Mahirap lang kami hindi naming makakayang magbayad ng ganyang kalaking ransom, saan naman kukunin yun ng aming mga pamilya, ma­awa na sila pakawalan na nila (hostages ),” pahayag ng kapatid na lalaki ng isa sa mga biktima sa isang radio interview.

Matatandaan na pa­tungo sa Sacol Island ang mga guro na sina Rafael Mayondana, Quizon Frei­res at Jannette delos Reyes ng harangin ng limang armadong lalaki ang bangkang sinasakyan ng mga ito kung saan ang mga bihag ay dinala sa lalawigan ng Basilan.

Wala pang grupong umaako sa pagdukot sa mga biktima, pero ang Basilan ay kapwa bal­warte ng mga bandidong Abu Sayyaf Group at pasaway na grupo ng MILF.

Sinabi naman ni AFP-PIO Chief Lt. Col. Ernesto Torres Jr. na bineberipi­ka pa nila ang nasabing ransom demand.

Samantala, bibigyan ng security escort ng tropa ng militar at pulisya ang mga guro sa Zamboanga City na pinagbabantaan ring kidnapin ng mga ar­madong rebeldeng Muslim na namumugad sa Western Mindanao. 

Ayon kay Police Regional Office 9 (Western Mindanao) Public Information Office (PIO) Chief Sr. Supt. Bayani Gucela, na­alarma ang mga guro at ka­wani ng DepEd sa kani­lang pagpunta sa mga island-barangay kaya nag­pasya ang komite na big­yan ang mga ito ng escort.

Nabatid na 10 ang si­bilyang sakay ng bangka subali’t tanging ang tat­long guro lamang ang binihag matapos mabatid na mga Muslim ang pito sa mga ito. (Joy Cantos)

Show comments