Bitay hatol sa 2 promotor ng gatas na may melamine

SHIJIAZHUANG, China - Hinatulang ma­bitay ang dalawa katao na kabilang sa mga promotor sa pagkalat ng gatas na may melamine. 

Sinentensyahan ng kamatayan si Zhang Yujun, 40, dahil sa pagdaraos niya ng workshop na nag­pa­simula ng pagsangkap ng melamine sa gatas.

Hinatulan ding mabitay si Geng Jinping dahil sa paggawa rin niya at pag­bebenta ng kontami­na­dong gatas.

Samantala, habam­buhay naman ang hatol ng Intermediate People’s Court ng Shijiashuang kay Tian Wenhua, 66 anyos, dating general manager at chairwoman ng Sanlu Group Co..

Ang Sanlu ang pangu­nahing kumpanya na na­pag-initan dahil dito nagsi­mula ang kumalat na mga gatas para sa sanggol na kontaminado ng naka­ka­lasong kemikal na mela­mine.

Anim na sanggol ang namatay at 300,000 bata pa sa China ang nalason sa naturang gatas. May mga nalason ding bata sa Ilang bansa makaraang makainom ng gatas na galing China at kontami­nado ng melamine.

Umabot sa 21 katao na sangkot sa pagkalat ng kontaminadong gatas ang hinatulan ng korte. Kabi­lang dito ang mga executive ng Sanlu.  

Ang melamine ay isang sangkap na ginagamit sa paggawa ng plastics at fertilizers kung saan magiging sanhi ito ng sakit sa bato kung makakain ng tao. (Ulat ng Associated Press)

Show comments