Ang Optical Media Reader (OMR) ang napiling teknolohiya na gagamitin para sa gaganaping automated elections sa May 2010 presidential polls.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Jose Melo, napili nila ang OMR system dahil mayroon itong paper trail at higit na mura kung ikukumpara sa Direct Recording Equipment (DRE).
Nagsumite na rin ang Comelec ng P11.3 bilyong budget para sa paggamit ng OMR sa Kongreso. Ang budget naman na isinumite para sa DRE ay umabot sa P21 bilyon, ngunit kinaltasan din ito at ginawa na lamang P13 bilyon.
Sinabi ng Comelec chairman na bagaman hindi maga garantiyahan ng automation ang pagkakaroon ng fraud-free elections, tiyak naman aniyang mababawasan ang dayaan sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya.
Ayon kay Melo, mababawasan ang dayaan dahil wala nang papalitang “ballot boxes” at mga computers na ang gagamitin para sa pag-store ng mga data at ang mga voting machines ay magsisilbi ring counting machines.
Plano din ng Comelec na palawigin ang voting period o oras ng pagboto sa 2010 sa halip na hanggang alas-3 lamang ng hapon ay gagawin umano itong hanggang alas-7 ng gabi. (Doris Franche)