Magkalaban man sa ideyolohiya, pinairal pa rin ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang paggalang sa karapatang pantao matapos na ipagamot ang isang sugatang amasona ng New People’s Army (NPA).
Ito’y kasunod ng utos ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa na ilipat sa PNP General Hospital sa Camp Crame mula sa Our Lady of Lourdes Hospital sa Sta.Mesa, Manila si Quezon CPP-NPA member Myra Bautista y Santos upang malapatan ng kaukulang lunas nang masugatan sa naganap na pananambang sa anim na tauhan ng pulisya sa Brgy. Macabud, Rodriguez, Rizal noong Enero 3, 2009.
Sa naturang insidente, napatay dito si PO1 Rickson Aquino, habang sugatan ang dalawang iba pang pulis habang binihag naman ng mga rebelde ang tatlong pulis kabilang si Insp. Alex Cuntapay.
Nabatid na responsable din ang grupo sa paglusob sa Quezon Provincial Jail noong Oktubre 25, 2008 kung saan si Bautista ay kabilang sa mga sinagip ng mga kasama nito sa kilusan na noo’y nakakulong sa naturang piitan. (Joy Cantos)