Pormal nang nanumpa kahapon sa tungkulin si Supreme Court Associate Justice Diosdado Peralta.
Dakong alas-9 ng umaga nang manumpa kay Chief Justice Reynato Puno si Peralta bilang pang-15 mahistrado ng Korte Suprema kapalit ng nagretirong si Justice Ruben Reyes.
Nilinaw ni Peralta na taliwas sa mga espekulasyon, sinabi ng Mahistrado na palagi siyang magiging “independent minded”
Sinabi pa ng bagong talagang Mahistrado na dapat ang bawat opisyal ng gobyerno at empleyado ay umakto ng naayon sa moralidad at ethics.
Binalewala din nito ang kritisismo na ang kanyang pagkakatalaga bilang bagong Mahistrado ng Korte Suprema ay bilang gantimpala dito ni Pangulong Arroyo dahil isa ito sa tatlong mahistrado na nagpakulong kay dating Pangulong Joseph Estrada sa kasong plunder nito kabilang din si Justice Teresita de Castro na ngayon ay nasa Korte Surpema na rin.
Inamin naman nito na ang kanyang yumaong ama ay kaibigan ng dating Pangulong Diosdado Macapagal subalit hindi umano ito naging dahilan kaya siya itinalaga sa Korte Suprema.
Si Justice Peralta ay anak ni dating Manila Court na ngayon ay Regional Trial Court na si Judge Elviro Peralta.
Noong 1994, itinalaga siya bilang Regional Trial Court Judge sa Quezon City at Executive Judge noong 2000 kung saan kinilala siya bilang “Judge Bitay” dahil sa mayroong 90 porsiyento conviction sa kanyang sala. (Gemma Amargo-Garcia)