Sumakabilang-buhay na kahapon ang butihing ina ni dating pangulong Joseph Estrada na si Doña Mary Ejercito sa edad na 103.
Nabatid na bandang 4:15 ng hapon kahapon ng tuluyang bumigay si Dona Mary sanhi umano ng cardio-pulmonary arrest.
Mahigit isang taon na umanong naka-respirator si Doña Mary mula ng maratay sa San Juan Medical Center noong Agosto 2007. Kumpleto ang pamilya Ejercito sa ospital.
Huling naging kritikal ang lagay ni Doña Mary noong Dec. 12, 2008. Dadalo sana noon sa anti-Chacha rally sa Makati si Erap pero hindi na tumuloy dahil sa biglang pagsama ng kondisyon ng ina.
Si Doña Mary ang itinuturing na pinakamaimpluwensiyang tao sa likod ni Erap. Noong nabubuhay pa, ito ang nagsilbing gabay sa buhay pulitika ng dating pangulo.
Si Erap umano ang pinakamalapit at paboritong anak ni Doña Mary.
Nakatakdang iburol ang labi sa St. John the Baptist Parish sa Pinaglabanan Church sa San Juan.