Ban sa direct hiring ng Pinay sa Hong Kong binira

Tinutulan ng gru­pong Migrante International ang pinakaba­gong ka­utusan ng Department of Labor and Employment na nag­ba­bawal sa direct-hiring ng mga Filipino household service work­ers sa Hong Kong.

Ayon kay Garry Mar­ti­nez, chairperson ng Mi­grante International, ang naturang kautusan ay paniba­gong panggi­gipit na naman ng admi­nis­tras­yong Arroyo sa mga OFWs.

Nabatid na base sa kautusan ni Labor Secretary Marianito Ro­que, na inanunsyo ng Philippine Overseas Labor Office sa Hong Kong, simula noong Enero 1, 2009, hindi na sila mag­poproseso ng doku­men­to ng mga directly- hired OFWs sa Hong Kong.

Ayon sa Migrante International, ang na­sa­bing hakbang ay taliwas sa inilabas na desisyon noong Peb­rero 2008 ng Philippine Overseas Employment Administration na nag-e-exempt sa Hong Kong, Italy at Ca­nada mula sa Philippine direct hiring ban. Ang naturang polisiya aniya ay nakasaad sa POEA Me­morandum Circular No. 04.

Lalo lamang ani­yang mahihirapan ang mga OFWs dahil sa nasabing direktiba ng DOLE nga­yong narara­nasan na ang matinding epekto ng financial crisis. (Doris Franche)

Show comments