Mahistrado nag-inhibit sa Alabang boys

Nag-inhibit sa pagre­ solba sa petition for writ of habeas corpus ang Mahis­trado na naitalaga ng Court of Appeals para sa pagpa­palaya sa Alabang Boys.

Sa ginanap na raffle, naitalaga kay Associate Justice Juan Enriquez, chairman ng CA 11th division, na maging ponente ng desisyon.

Makakasama sana ni Justice Enriquez sa pagha­wak sa kaso sina Associate Justices Japar Dimaampao at Sixto Marella Jr.

Subalit ilang oras mata­pos italaga si Enriquez ay nag-inhibit ito sa kaso.

Dahil dito kaya muling magsasagawa ng raffle bukas ang CA kung kanino mapupunta ang petition for writ of habeas corpus ng mga tinaguaring Alabang Boys.

Matatandaang kaha­pon ay hiniling sa CA ni Atty. Felixberto Verano Jr., counsel ng Alabang Boys, na palayain sina Richard Bro­dett at Joseph Tecson dahil ibinasura na ng Department of Justice (DOJ) ang kasong droga laban sa kanila. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments