Cagayan de Oro City - Iniutos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Justice Secretary Raul Gonzalez na huwag nitong palayain ang tinaguriang “Alabang Boys” at sundin na lamang nito ang kanyang konsensiya.
Ayon kay Sec. Gonzalez, mahigpit ang utos ni Pangulong Arroyo nang kausapin siya kamakalawa sa Cabinet meeting na ginanap sa ancestral house ng Pangulo sa Iligan City na huwag payagang makalaya ang “Alabang boys” na sina Richard Brodett na pamangkin ni PIA chief Conrado Limcauco, Jorge Joseph na anak ng dating broadcaster na si Johnny Midnight at Richard Tecson.
“Nag-usap kami ni Presidente tungkol diyan sa pag-release. Sabi ni Presidente, do not release these people. Sabi ko, Ma’m, kahit wala kasong utos di ko papa-release ang mga yan. However nakademanda kami ng habeas corpus so we have to follow the court whatever happens here. Naintindihan naman ni Pangulo,” wika pa ni Gonzalez.
Ipinaliwanag pa ng kalihim sa Pangulo na tuloy ang isinasagawang review ng kanyang tanggapan kaugnay sa sinasabing “P50 million bribe” maliban na la mang kung mayroong magiging kautusan ang Court of Appeals sa isinampang writ of habeas corpus ng pamilya ng mga suspek.
Aniya, kung lilitaw sa review ng kanyang tanggapan na kulang sa basehan upang patuloy na iditine ang mga suspek ay palalayain niya ang mga ito.
Wika pa ni Gonzales, iniimbestigahan din niya kung saan nakakuha ng DOJ stationary ang abugado ng Alabang Boys na ginamit para sa paghahanda ng release order.
Ipinaliwanag pa ng DOJ chief, ang naghatid ng nasabing order na inihanda pala ng abugado ng isa sa akusado sa Alabang Boys ay staff ni Usec. Ricardo Blancaflo upang lagdaan niya.