Sa kauna-unahang pagkakataon nakapagtala ang Bureau of Immigration (BI) ng aabot sa mahigit sa dalawang bilyon pisong kita para sa taong 2008.
Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, base sa kanilang datos, as of December 24, 2008, umabot na sa P2.085 billion ang kita ng ahensya.
Ang nasabing halaga aniya ay mas mataas ng P587 million o 39% kumpara sa target ng BI na P1.498 billion para sa ta ong 2008.
Habang mas mataas aniya ito ng P373 million o 22% kumpara sa kanilang kinitang P1.7 billion noong taong 2007.
Sinabi pa ni Libanan, ito ang unang pagkakataon na umabot ng two-billion level ang kinita ng ahensya simula ng mapasama sila sa billionaires club sa hanay ng mga government agencies noong taong 2002.
Inaasahan pa umano nilang madaragdagan pa ang nasabing halaga matapos na pumasok sa kanilang datos ang collection reports mula sa mga field offices ng ahensya sa mga lalalawigan.
Maliban sa malaking kuleksyon na naitala para sa taong 2008, sinabi ni Libanan na marami ring naisaayos ang ahensya pagdating sa serbisyo sa publiko para sa nasabing taon.
Sa nasabing taon aniya inilunsad ang visa-issuance-made-simple (VIMS) project na nakatulong umano para madagdagan ang kita ng ahensya.
Dahil umano sa VIMS, mas pinadali ang pagproseso at requirements para sa visa application. (Gemma Amargo-Garcia)