Dodoblehin ni Pangulong Arroyo ang pagkayod ngayong 2009 upang mapawi ang epekto ng global economic crisis, ayon kay Press Secretary Jesus Dureza.
“This is the reason why the President is touring the provinces to personally oversee the economic programs she has laid downs to thwart the effects of the global economic meltdown,” wika ni Dureza sa isang radio interview.
Sinabi ni Dureza na naglaan na si Pangulong Arroyo ng dagdag na P5 billion para sa Conditional Cash Transfer (CCT) program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasabay nito, sinabi ni Dureza na magandang posisyon ang Pilipinas upang lampasan ang epekto ng krisis na nararanasan ng buong mundo.
Binanggit ni Dureza na ang Pilipinas at China lang ang dalawang bansa sa Asya na nagpakita ng magandang performance pagdating sa ekonomiya sa 2008.
Sa kabila ng krisis sa ekonomiya sa buong mundo, sinabi ni Dureza na maganda pa rin ang itinakbo ng currency at fiscal position ng bansa, patunay lang na matibay ang pundasyong pang-ekonomiya nito.
Ayon pa kay Dureza, magpapatuloy ang magandang takbo ng ekonomiya kung patuloy lang na magkakaisa ang taumbayan at iiwas sa tukso ng mapanirang pulitika.
Bago rito, nanawagan si Pangulong Arroyo sa mga kritiko na isantabi ang pulitika at magtrabaho para sa lalong ikakaganda ng ekonomiya ng bansa. (Rudy Andal)