Hindi pa umano nagpapatupad ng deployment ban ang pamahalaan sa Israel at Palestine, sa kabila ng mas lumalalang pag-atake sa Gaza, inihayag kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Kasabay nito, ipinaliwanag ni DFA undersecretary for migrant workers’ affairs, Esteban Conejos, Jr. na ang Gaza naman kasi ang sentro ng mga karahasan.
Ang Gaza ay isang maliit na bahagi ng lupa sa pagitan ng Israel at Egypt malapit sa Mediterranean Sea.
“The epicenter is only in Gaza. We are not inclined to impose a ban there (Israel at Palestine),” ayon pa kay Conejos.
Batay naman aniya sa situation report na kanilang natanggap mula sa kanilang embahada sa Tel Aviv, wala namang panganib na nakaamba sa mga Pinoy na nasa Southern Israel bunsod ng mga pag-atake.
Tinatayang aabot sa 1,000 hanggang 1,500 Pinoy ang naninirahan at nagtatrabaho sa Southern Israel at karamihan sa mg aito ay nagtatrabaho bilang live-in caregivers.
Sakali naman umanong magkaroon ng pag-atake sa kanilang lugar, maaaring magtago sa mga underground bunkers ang mga manggagawang Pinoy na nasa mga tahanan ng kanilang pinaglilingkuran.
Wala naman umanong mga Pinoy na naka-deploy sa Palestine na kontrolado ng mga Hamas kaya’t hindi na umano kinakailangan pang magpatupad ng deployment ban doon.
Samantala, nakatakdang dumating ngayong araw ang mahigit 10 Pinoy na naipit sa giyera sa Gaza.
Batay sa ulat, umaabot sa 108 mga Pinoy ang naninirahan sa Gaza, at 20 sa mga ito ay mga Pinay na nakapag-asawa ng mga Palestinians. (Mer Layson/Ellen Fernando)