Sasampahan ng kaso ng mga piskal ng Department of Justice (DOJ0 ang ilang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ilang media personnel na nag-aakusa umano sa kanila ng pag tanggap ng P50 milyong suhol kapalit ng pagbasura sa kaso ng mga tinaguriang “Alabang Boys”.
Ayon kay DOJ Chief State Prosecutor Jovencito Zuno, dumaan sa regular na proseso ng preliminary investigation ang kaso nina Richard Brodett, Jorge Joseph at Joseph Tecson kaya lumalabas na may pagkukulang ang PDEA kung kayat nabasura ang kaso ng mga ito.
Nanindigan ito na pinag-aralang mabuti ang kaso ng mga suspek nina State Prosecutor John Resado, ni-review din umano ito ni State Prosecutor Misael Lagada at inirekomenda naman ito ni Senior State Prosecutor Philip Kimpo for approval, kaya inaprubahan ito ni Zuno.
Gayunman, sa halip na palakasin ang kaso ay agad umanong dinala ng PDEA ang usapin sa media at inakusahan pa ang DOJ ng pagtanggap ng suhol.
Ipinaliwanag pa ni Zuno na iligal ang ginawang pag-aresto ng PDEA sa mga suspek dahil kwestyunable ang mga iniharap nilang ebidensya para patunayan na nagkaroon nga ng buy-bust o entrapment operation laban sa mga ito.
Sinabi rin ni Zuño na hindi na kailangan pa ang approval ni Justice Secretary Raul Gonzalez upang mapalabas ng piitan ang mga suspek kaya hindi nakarating ang resolution sa kalihim.
Ang tatlo ay dinakip sa magkahiwalay na buy-bust operation ng PDEA noong Setyembre 20, 2008 sa Araneta Avenue, Quezon City at sa Alabang, Muntin lupa.
Nasamsam sa mga suspek ang 70 kapsula ng ecstasy, coccaine at iba pang uri ng bawal na droga na sinasabing binebenta sa mga high class na bar sa Metro Manila at iba pang kilalang lungsod sa bansa.
kaugnay nito, lumutang kahapon sa tanggapan ng Special Task Force ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga magulang ng tatlong tinaguriang “Alabang Boys” upang pa bulaanan na nagbigay sila ng P50-milyon suhol para mapalaya ang kanilang mga anak. Anang mga ito, wala silang kakayahang magbigay ng nasabing halaga para isuhol at maibasura ang kaso na kinakaharap ng kanilang mga anak.
Sa kasalukuyan ay nakapiit pa rin sina Brodett, Tecson at Jorge Joseph sa PDEA detention cell.
Samantala, nangangamba naman si Director General Sr. Undersecretary Dionisio Santiago na magkakaroon ng mga “legal implications” at baka ang PDEA pa ang maharap sa gusot kung tuluyang mapapawalang-sala ang tatlong suspek.