Binatikos ng KABALAT Farmers Association, Inc., ang umano’y kawalan ng due process ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos na labagin nito ang ilang mga regulasyon kaugnay ng kanilang lupain sa Cuyambay, Tanay, Rizal.
Ayon sa pangulo ng KABALAT na si Yvonne Galgana, isang malaking katanungan sa kanila ang pagpapalabas ng DENR ng kanselasyon ng plano samantalang hindi naman tumutukoy ang kautusan ng DENR sa kanilang mga lupain.
Iginiit ng KABALAT na tila hindi alam ni DENR Sec. Lito Atienza ang kanyang pinirmahang papel kung saan idinedeklara nitong illegal ang mga titulong ibinigay sa nasabing grupo.
Ang memorandum ni Atienza ay para sa Presi dential Proclamation No.776 o para sa 130 ektarya na bahagi ng naunang idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos na Presidential Decree No.324 o 1,700 ektaryang lupain samantalang sakop naman ng KABALAT ang may 755 ektaryang lupain. Ang 1,700 ektarya ay idineklara ni pangulong Marcos na “Alienable and Disposable lands”
Sinabi Galgana, na hindi man lang din naabisuhan o nagbigyan ng notice na ibu-buldozer ang lupain na sakop ng KABALAT at wala ding nagyaring mga pagdinig.
Kinuwestiyon din ng KABALAT maling pagsusukat ng DENR kung saan nakuha ang ilang sukat ng lupa na bahagi ng grupo. Lumilitaw na wala umanong magawa ang DENR upang sakupin ang lupa ng Milestone at Philcomsat dahil titulado na ang mga ito kaya’t sinakop ang lupa ng KABALAT. (Doris Franche)