Anumang oras ay palalayain na ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang bihag na pulis sa lalawigan ng Compostela Valley.
Gayunman sa kabila ng pangakong paglaya ni PO3 Eduardo Tumol ay patuloy pa ring pinipigil at wala pa ring katiyakan kung mapapalaya ang bihag ring sundalong si 1st Lt. Vicente Cammayo.
Sa isang kalatas, nangako si Rigoberto Sanchez, spokesman ng NPA Southern Mindanao rebels sa rehiyon, na sa lalong madaling panahon ay pakakawalan na nila si Tumol bilang “act of goodwil“.
Ang nakatakdang pagpapalaya sa bihag na pulis, ayon pa kay Sanchez, ay kaugnay ng nakatakdang ika-40 taong anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa Disyembre 26.
“POW Tumol’s release is an act of goodwill in celebration of the 40th anniversary of the Communist Party of the Philippines. It is also based on humanitarian grounds as well-meaning individuals, personalities and peace advocates clamor for a negotiated and unilateral release,” ani Sanchez sa ipinalabas na kalatas ng NPA.
Sinabi nito na si Tumol ay trinatrato ng maayos ng Merardo Arce Command alinsunod sa International Humanitarian Law.
Si Tumol, kasapi ng 1105th Provincial Moble Group ay binihag ng mga rebeldeng komunista sa isang checkpoint sa Brgy. Baogo, Caraga, Davao Oriental noong Nobyembre 5.
Samantala wala pang katiyakan kung kailan mapapalaya si First Lieutenant Vicente Cammayo na binihag naman ng NPA rebels matapos na sugatang makorner sa engkuwentro sa Brgy. Casoon, Monkayo, Compostela Valley.