Iginagalang ng Malacanang ang naging opinion ni dating President Cory Aquino kaugnay sa paghingi nito ng paumanhin kay dating Pangulong Joseph Estrada sa pagsuporta nito sa EDSA 2.
Sinabi ni Press Secretary Jesus Dureza, malaya si Pangulong Cory na gawin ang sa tingin nito ay makakabuti para sa kanyang sarili lalo ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Wika pa ni Sec. Dureza, hindi din dapat kalimutan ni Mrs. Aquino na si Pangulong Arroyo ang gumawa ng supreme act of reconciliation matapos na bigyan nito ng pardon si dating Pangulong Erap na napatunayang nagkalasa ng Sandiganbayan.
“Let us not forget that President Arroyo made the supreme act of reconciliation ahead. She pardoned in spite of the decision of the court on former president Estrada. She exercised the highest act of reconciliation by extending pardon to the former president,” wika ni Dureza.
Idinagdag pa ni Dureza, handang respetuhin ng Malacanang ang naging pananaw at opinion ni dating Pangulong Cory makaraang sabihin nito na isang pagkakamali ang nangyari sa EDSA 2 na nagluklok kay Mrs. Arroyo.
Ipinaliwanag pa ng kalihim, mahalaga ang pagkakaroon ng pagkakaisa ng buong bansa lalo ngayong nakaharap tayo sa global economic crisis at isantabi muna ang usapin ng 2010 elections. (Rudy Andal)