Nasa heightened alert ang apat na pangunahing paliparan sa bansa dahil sa inaasahang pagdagsa ng libu-libong pasahero ngayong kapaskuhan.
Sinabi ni Manila International Airport Authority Asst. General Manager for Security and Emergency Services ret. General Angel Atutubo, mas pinaigting pa ngayon ang seguridad sa NAIA 1, NAIA Centennial Terminal 2, NAIA 3 at Manila Domestic airport upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong nagdadatingan mula sa iba’t ibang panig ng mundo kabilang na ang libu-libong OFWs.
Nagdagdag na rin ng airport personnel sa arrival at departure areas upang masiguro na magiging maayos at mabilis ang daloy ng mga pasahero palabas at papasok sa paliparan.
Muling pinaalalahanan ni MIAA General Manager Al Cusi na hindi pinapayagan na magliban ang mga airport personnel na nasa kritikal na assignment sa araw ng holidays kabilang na ang Pasko at Bagong Taon para matiyak na magiging maayos ang serbisyo ng NAIA sa mga pasahero.
Binalaan naman ni Cusi ang mga airport personnel na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagbabanggit at o pagbati ng “Merry Christmas” sa mga dumarating na pasahero upang maiwasan na makahingi o makapangikil sa mga ito. (Ellen Fernando)