Tatlong pasahero na kakalapag pa lamang sa eroplano ang sugatan matapos masagasaan ng rumaragasang sports utility vehicle na minamaneho ng isang doktora na rumampa sa bangketa ng arrival extension sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 sa Pasay City kahapon ng hapon.
Kinilala ni ret. Gen. Angel Atutubo, MIAA-asst. general manager for Security and Emergency Services ang may-ari ng bumanggang SUV na si Dr. Erlinda Abad, 65, tubong Tacloban City.
Maagap namang nakaresponde ang MIAA-Medical team at binigyan ng karampatang lunas ang mga biktimang sina Godofredo Delgado, 43, administrator ng isang construction company at pasahero ng CX-907 galing HongKong; at dalawang OFW na galing Dubai na sina Edgardo Catacutan, 44, ng Dan de Leon st., Phase 4, Blk. 4, Lot 6, Greenland, Cainta, Rizal at Mark Philip, 31, ng San Luis st., Sto. Tomas, Batangas.
Ang tatlong biktima ay pawang nagtamo ng pasa at bahagyang sugat sa katawan.
Sa unang pagsisiyasat ng Airport Police Department-Traffic Bureau, dakong alas-12:40 ng hapon nang maganap ang insidente sa tapat ng Duty Free Philippines (DFP) outlet na matatagpuan sa may Terminal 1 arrival extension.
Sa salaysay ni Abad, patungo siya sa NAIA 1 lulan ng kulay gray na Toyota Hi-Lux (ZJV-142) upang sunduin ang kanyang pamangkin na si Zenaida Reyes galing Los Angeles, California. Habang naghahanap siya ng mapaparadahan ay muli siyang pinaikot ng guwardiya ng paliparan.
Ayon kay Dr. Abad, nang muli niyang ipinarada ang kanyang sasakyan sa tapat ng DFP upang sunduin ang kanyang pamangkin ay hindi na nito nakontrol ang manibela nang magpalit siya ng gear dahilan upang rumampa ang gulong sa bangketa at minalas namang mahagip ng naturang sasakyan ang tatlong biktima.
Sinabi naman ng doktora na handa niyang bayaran ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng tatlong sugatang biktima. (Ellen Fernando)