General Santos City - Walang wish para sa kanyang sarili ang Peoples Champ na si Manny Pacquiao na nagdiwang ng kanyang 30th birthday kamakalawa bagkus ang kahilingan nito ay magkaroon din ng blessings ang ibang tao.
Sinabi ni Pacquiao na todo-todo ang kanyang pasasalamat sa Panginoon dahil nakamit niya ang kanyang pangarap sa buhay dahil sa palagi niyang pagdarasal sa Panginoon.
Wika pa ni Manny sa kanyang kaarawan na ginanap sa KCC convention center na sana ay maging madasalin din ang lahat ng Filipino.
Ang kahilingan din ni Pacquiao sa kanyang kaarawan ay sana maging daan siya ng Panginoon upang makatulong siya sa mga nangangailangan kahit hindi man sa lahat ng tao. Pinasalamatan din ni Manny si Pangulong Arroyo sa pagdalo sa kanyang birthday.
Sinabi pa ni Manny, sana ay tularan din ng iba pang Filipino si Pangulong Arroyo sa pagiging madasalin at malapit sa Panginoon upang makamit na ng bansa ang tunay na tagumpay at pagkakaisa. (Rudy Andal)