Dahilang pang-seguridad ang rason kung bakit nakansela ang pagbisita ni Pangulong Arroyo sa Shariff Kabunsuan kahapon, ayon kay Press Secretary Jesus Dureza.
Ipinabatid ni Dureza na kinansela ang biyahe bunsod na rin ng payo nina Lieutenant General Armando Cunanan, pinuno ng Eastern Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines at Major General Raymundo Ferrer, 6th Infantry Division commander.
“In spite of the insistence of the President to go on with the trip, the security assessment was that it would be better for her sake and the country’s sake that we forego her engagement in Sultan Mastura,” wika ni Dureza.
Noong Huwebes, isang bomba ang sumabog sa isang kalsada sa Datu Odin Sinsuat, kung saan makikita ang paliparan ng Shariff Kabunsuan. Wala namang nasugatan sa pagsabog.
Kahit wala namang kinalaman ang pagsabog sa biyahe ni Pangulong Arroyo, nagkaroon ng pag-aalala sa seguridad ng Chief Executive dahil kailangan niyang magbiyahe sa kalsada.
Hiniling ni Pangulong Arroyo kay Dureza na pangunahan ang Christmas food program sa Tapayan Elementary School sa Sultan Mastura, kung saan nakatakda ring pangunahan ng Chief Executive ang pamimigay ng farm inputs at food packs sa mahihirap na pamilya.
Sasaksihan din sana ni Pangulong Arroyo ang bentahan ng palay sa pagitan ng mga magsasaka at National Food Authority sa palay buying station ng bayan at dadaan sa medical at dental mission ng PAGCOR. (Rudy Andal)