Umaabot sa 9.4 milyon o 52 porsiyento ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nagtuturing sa kanilang sarili na mahirap.
Ito ang lumabas sa bagong survey ng Social Weather Station na isinagawa noong Setyembre 24-27 ng taong ito.
Ang naturang datos ay mas mababa nang pitong puntos mula sa dating 59 porsiyento o 10.6 milyong pamilya na naitala sa survey ng SWS sa second quarter ng 2008.
Isinasaad din sa survey na 29 na porsiyento ng mga Pilipino ang nagpapalagay na namimingit na sila sa kahirapan o sa tinatawag na borderline samantalang 19 na porsiyento ang nagtuturing na hindi sila mahirap.
Umaabot naman sa 6.9 milyong Pilipino o 38 porsiyento ang nagpapalagay na naghihirap sila sa pagkain o Food-Poor; 27 porsiyento ang nagsasabing nasa Food-Borderline sila; at 25 porsiyento ang nagsasabing sila ay not Food-Poor o hindi naghihirap sa pagkain.
Iginiit kahapon ng Malacanang na ang huling survey ng SWS na nagpapakita na kaunting pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap ay bunga ng pagsisikap ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na maiangat ang kanilang kabuhayan.
Sinabi ni Press Secretary Jesus Dureza na ang pagkaunti ng mga mahihirap na pamilya ay dahil sa pagsisikap ng Arroyo government na matulungan ang bawat pamilyang Pinoy. (Rudy Andal)