May alyansa ang administrasyong Arroyo at mga dambuhalang kompanya ng langis kaya hindi bumababa sa tamang lebel ang presyo ng petrolyo.
Ito ang inihayag kahapon ni Sen. Mar Roxas na nagsabing dapat P24 na lang kada litro ang presyo ng diesel dahil sa malaking ibinagsak ng presyo ng krudo sa world market.’
Ibinunyag ni Roxas, pangulo ng Liberal Party, na kakuntsaba pa ng mga kumpanya ng langis ang pamahalaang Arroyo dahil hindi nito pinapansin ang panawagan ng maraming sektor lalo na sa Senado na buksan na ng gobyerno ang libro ng mga oil companies para malaman kung gaano kalaki ang kinikita nila sa paghihirap ng mga Pilipino.
“Mga linta ang mga mga dambuhalang kumpanya ng langis na ito. Naghihirap na ang taumbayan pero kaytaas pa rin ng singil nila para sa diesel. Ang problema ay walang ginagawa si Pangulong Arroyo tungkol dito,” sabi ni Roxas.
Ayon kay Roxas na batay sa kanyang pag-aaral, lumabas na dapat ay ibenta ang diesel sa mga gas stations ng P24 lang kada litro imbes na ang kasalukuyang presyo nito na P35.94 kada litro.
Ang dagdag pang pahirap dito ay P3.85 sa singil na P35.98 kada litro ng diesel ay ang 12 percent value added tax.
“Patuloy ang pagsasamantala ng mga kumpanya ng langis sa taumbayan dahil sa inutil ang ating pamahalaan,” ang galit na sabi ng Ilonggong senador.
Sinabi pa ni Roxas na isang palabas lang sa publiko ang mga meeting na isinagawa ni Energy Secretary Angelo Reyes sa harap ng media dahil hindi naman niya ipinatutupad ang batas laban sa mga mapagsamantalang kumpanya ng langis.
“Kaya naman ang taas pa rin ng presyo ng pamasahe at mga ibang bilihin, dahil itong mga kumpanya ng langis ay pinagsasamantalahan ang katangahan ng ating gobyerno. Dagdag pa dito ay may VAT pa na halos P4 kada litro,” dagdag niya.