Nilinaw kahapon ni House Speaker Prospero Nograles Jr. na anumang panukala hinggil sa gagawing pag-amyenda sa Konstitusyon ay magiging transparent at ikokonsulta sa mga taong sangkot partikular na sa publiko.
Iginiit rin ni Nograles na ang anumang panukalang baguhin ang Saligang Batas ay walang kinalaman sa pagpapalawig ng termino ng lahat ng mga halal na opisyal ng pamahalaan mula sa pangulo hanggang sa mga municipal councilors.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Nograles bilang reaksyon sa tanong kaugnay nang pagtatangka ng ilang miyembro ng Kongreso partikular ni Batangas Rep. Hermenigildo Mandanas na nagpasa ng resolusyon para sa ekstensyon ng termino ng lahat ng elected officials sa bansa hanggang sa taong 2011.
Ayon kay Nograles, inihain ni Mandanas ang resolusyon noon pang Abril, 2008 ngunit hindi kailanman nila ito itinakda sa anumang deliberasyon upang patunayan na hindi interesado ang Kamara sa naturang hakbang.
Aniya, walang dapat ikatakot ang bawat isa kung sakaling uusad man ang Charter Change o Cha-Cha dahil sesentro lamang ito sa mga “economic provision,” partikular sa tinatawag na 60-40 provision na inilarawan niyang napaka-’restrictive’ dahil sa pagbabawal nito sa mga dayuhang investors na magkaroon ng 100 porsyentong pagma-may-ari sa mga lupain at ari-arian habang nagne-negosyo sa bansa. (Butch Quejada)