Kinatigan kamakailan ng Court of Appeals ang naunang desisyon ng Office of the President na nagbibigay ng apat na kondisyon sa producer ng pelikula ni dating Pangulong Joseph Estrada bago ito payagang ipalabas sa publiko.
Kaugnay nito, dinismis ng CA ang petisyon ng Publikasia at sinabing hindi naman absolute ang karapatan sa pamamahayag.
“Ang Mabuhay Para sa Masa” ay bio flick ni Estrada kung saan una nang binago ng OP ang resolusyon na inisyu ng Movie Television Review and Classification Board na nagbabawal sa pagpapalabas nito dahil sa libelous umano ang ilang eksena dito na hindi maaring talakayin saanman maliban lang sa korte.
Kabilang sa mga nais ng OP na sundin ng producer ng nasabing pelikula upang maipalabas ito sa publiko ay (1) dapat itong ipalabas matapos na maresolba with finality ang kaso ni Estrada sa Sandiganbayan (2) kahit na pinal nang naresolba ang kaso ni Estrada sa Sandiganbayan, maari lamang itong ipalabas subalit dapat na burahin ang usaping sub-judice; (3) Kailangang isama at kilalanin ang resulta ng desisyon ng Korte Suprema tungkol sa Estrada vs Arroyo sa legalidad ng pagsasalin ng kapangyarihan sa nasabing pelikula; at (4) dapat balansehin ang pelikula sa pamamagitan ng pagbibigay ng panig sa mga taong sinasangkot dito. (Gemma Amargo-Garcia)