Maghihintay pa bago mag-Pasko ang publiko partikular na ang mga mananakay sa inaasahang rollback sa pasahe matapos na ihayag ni Land Transpor tation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Thompson Lantion na sa Disyembre 3 pa madedesisyunan ito.
Ito’y sa kabila ng malaking ibinaba na ng halaga ng krudo sa internasyunal na merkado at pagbaba rin ng presyo ng mga produkto sa langis sa bansa sa mga nakalipas na araw. Inireklamo ng mga mananakay ang napakatagal na pagpapababa sa pasahe habang maliit na P.50 lamang sa mga jeep at P1 sa mga pampasaherong bus ang naibigay na rollback sa pasahe ng LTFRB.
Nakatakda pa lamang magpulong ang LTFRB at ang mga jeepney operators kasama ang mga consumer groups sa Disyembre 3 kung saan inaasahan na magkakaroon ng kasunduan.
Sa kabila nito, nagparamdan agad si Lantion na may negatibo sa isyu ng fare rollback dahil sa umano’y maaaring pagkontra ng mga transport groups partikular na ang mga bus operators.
Hinihiling naman ng mga jeepney operators na bumaba muna ang halaga ng diesel ng P35-P37 bago magpatupad ng pagpapababa sa kanilang pasahe.
Una nang hiniling ng National Council for Commuters Protection Inc. (NCCPI) ang pagbaba ng pasahe sa bus at jeep at pagtanggal sa “compulsory P10 tip” sa mga taxi.
Nagmatigas naman ang mga taxi operators na magpoprotesta sa oras na tanggalin ang P10 puwersahang tip ng mga pasahero.
Nakatakda namang magsagawa ng kilos-protesta ang grupong Pasang-Masda laban sa Shell, Petron at Caltex sa susu nod na linggo dahil sa pagtanggi na iimplementa ang “one time bigtime rollback”. (Danilo Garcia)