Naaresto na sa Amerika ang dalawang dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sinasabing sangkot sa pagpatay sa PR man na si Salvador “Buddy” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.
Ayon kay Justice Secretary Raul Gonzalez, si dating Col. Cesar Mancao II ay nakapiit sa Florida, habang si Glenn Dumlao ay nakakulong sa New York.
Sinabi ng Kalihim na ang Department of Justice (DOJ) ang siyang gu mawa ng extradition request sa US DOJ at inaprubahan naman ito kaya noong Huwebes ng gabi sa Amerika samantalang Biyernes naman ng umaga dito sa Pilipinas, ay inaresto ang dalawa.
Sina Mancao at Dumlao ay mga dating opisyal ng binuwag na Presidential Anti Organized Crime Task Force (PAOCTF) at kapwa isinasangkot sa kontrobersyal na Dacer-Corbito murder case noong Nobyembre 2000.
Ang PAOCTF ay dating pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson na naging hepe ng PNP noong panahon ng termino ni dating Pangulong Estrada.
Natagpuan ang Toyota Revo na pag-aari ni Dacer sa isang bakanteng lote sa Indang, Cavite ilang araw matapos itong mawala at ang kanyang driver.
Hindi naman masiguro ng Kalihim kung iuuwi sa Pilipinas ang dalawa dahil maari naman umanong gamitin ng dalawa ang kanilang legal rights tulad ng pagtanggi na magpauwi.
Nilinaw naman nito na maaring i-deport sina Mancao at Dumlao sa bansa kung wala silang nakabinbing kaso sa Amerika.
Sa sandaling maipadeport na dito sa bansa ang dalawang opisyal ay kaagad umanong itu-turn over ang mga ito sa PNP.