Ikinanta ng isang mataas na opisyal ng Philippine National Police na kabilang sa tinagurian “Euro Generals’ na si dating PNP Chief Avelino Razon ang nag-aproba para payagan ang PNP delegation na magpunta sa Interpol Conference sa St. Peterburgs, Russia.
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety kahapon kaugnay sa nangyaring iskandalo sa Russia na kinasasangkutan ng mga top brass officials ng PNP, sinabi ni PMP Director for Plans Gen. Romeo Ricardo na walang kinalaman sa pagpaaproba ng mga official ng PNP sa Moscow si Verzosa dahil si Razon pa ang PNP Chief noon isang taon.
Gayunman, inamin ni Ricardo na siya ang nagrekomenda ng mga pangalan ng pulisya na sasama sa Interpol Conference na inaprobahan naman ni Razon.
Sa naturang hearing, hiniling ni Paranaque Rep. Roilo Golez sa mga mambabatas na huwag tawaging ‘Euro Generals’ ang mga inaakusahan opisyal ng PNP na nagsipunta sa Russia dahil nakakababa umano ito ng kanilang dignidad at nasisira ang imahe ng kapulisan.
Iniutos ng pamunuan ng PNP na bayaran ni dela Paz ang P6.9 million na sinita ng Russian authorities sa Moscow airport kung hindi na ito maibabalik ng Russian government sa Pilipinas.
Gayunman, nakahanda si dela Paz na bayaran ang nasabing halaga pero ito aniya ay hindi niya mababayaran ng biglaan dahil ang kanyang retirement pay sa PNP ay may P2.6 million. (Butch Quejada)