Dapat kasal muna sa simbahan ang mga magulang bago pabinyagan ang kanilang mga anak.
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Matrimonial Tribunal, nakasaad sa principle ng Simbahang Katoliko na dapat na may basbas ng simbahan ang pagsasama ng mag-asawa gayundin ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng binyag.
Maaari lamang binyagan ang bata kahit hindi kasal ang magulang kung ito ay nasa peligro ng kamatayan at may sakit dahil itinuturing itong emergency.
Ani Cruz, tinatanong din muna niya ang mga magulang na magpapabinyag kung saan kasal.
“Kung sumagot ng huwes, sinasabi ko na sa huwes din pabinyagan ang anak nila,” ani Cruz.
Iginiit din ni Cruz na dapat na kapwa katoliko ang ninong at ninang ng bibinyagan dahil ang mga ito ang tatayong pangalawang magulang ng bata.
Dahil dito, mandatory din na tanungin ng simbahan ang mga magulang kung kasal at kung Katoliko ang mga ninong at ninang dahil magkaiba ang pananampalataya kung magkaiba ang relihiyon.
Subalit aminado si Cruz na kung iba ang pananampalataya ng magulang, napabibinyagan pa rin ang bata kahit hindi kasal. Ang pananampalataya ay itinuturo ng magulang.