Umamin kahapon ang kontrobersiyal na kaibigan ni dating Philippine National Police comptroller Eliseo dela Paz na nagpapabili ng relo sa dating heneral na isa siyang kontraktor ng PNP.
Ayon kay Tyrone Ng Arejola, na nagbigay ng 45,000 Euros kay dela Paz upang ipambili ng isang mamahaling relo, siya ang may-ari ng Enviro Air Inc, isang kompanya na sumasali sa mga biddings ng gobyerno kabilang na ang PNP.
Inamin din ni Arejola na nakakuha siya ng nasa P100M halaga ng kontrata sa PNP noong 2006 para sa civil disturbance management suit.
Pero ayon rin kay Arejola, hindi niya itinuturing na “bread and butter” ang pagkuha ng mga kontrata sa PNP dahil may iba pa siyang negosyo katulad ng Congo Grill, Beverly Hills Cosmetics, mining at construction.
Matagal na rin umano silang magkaibigan ni dela Paz na nagsilbi lang ng isang taon bilang comptroller ng PNP.
Ayon naman kay Sen. Mar Roxas, ang halaga ng relong ipinabibili ni Arejola na isang Roger Dubius ay kasing-halaga na ng isang bahay.
Isa si Arejola sa inimbitahan ng Senado matapos itong lumutang at akuin ang 45,000 Euros na ipinadala kay dela Paz. (Malou Escudero)