Umapela kahapon si Pangulong Arroyo kay Saudi Crown Prince Sultan bin Abdul Aziz al-Saud na huwag ituloy ang pagbitay sa tatlong convicted OFWs na nakapatay kapwa ng Pinoy sa Jeddah, Saudi Arabia.
Nagkita sina Pangulong Arroyo at Prince Sultan sa ginanap na United Nations General Assembly on Interfaith dialogue sa New York kung saan ay ipinaabot ng Chief Executive ang kanyang apela na patawarin sina Rolando Gonzales, ang kapatid nitong si Edison at Eduardo Arcilla. Nangako naman ang Crown Prince ng Saudi na rerebyuhin niya ang kaso ng 3 OFWs.
Hinatulan noong nakaraang taon ng Saudi court ang 3 Pinoy ng kamatayan sa pamamagitan ng “beheading” dahil sa pagpatay kina Reno Lumbang, Jeremias Bucod at Dante Rivero noong Abril 2006. Kinatigan ng Saudi Court of Appeals ang nasabing hatol noong September 15. (Rudy Andal)