Tatlo katao ang nasawi habang mahigit sa 12 katao ang nasugatan matapos umanong mag-amok ang isang Pinoy, tangayin ang isang bus at araruhin ang apat na sasakyan sa Jeddah, Saudi Arabia noong Martes ng umaga.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), kinilala ang Pinoy na si Regour de Padua, 32, na kadarating lamang sa Jeddah noong Oktubre 5 upang magtrabaho bilang bus driver.
Bago ang insidente, Lunes ng gabi ay napansin na umano ng mga kasamahan ni de Padua na hindi ito makatulog at tila balisa.Kinabukasan ay nagulat na lamang ang mga ka-trabaho ni de Padua dahil maaga itong gumising at walang sabi-sabing nagtatakbo palabas ng kanilang quarters saka minaneho ang bus na nakaparada at pinatakbo sa kahabaan ng Al-Haramain Road sa Jeddah.
Inararo umano ni de Padua ang nakasalubong na mga sasakyan kung saan isang puting Toyota Corolla ang direktang bumangga sa bus, na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong pasahero nito, na kinabibilangan ng dalawang babae at isang lalaki na pawang Arabo.
Mahigit sa 12 katao rin ang nasugatan ilan dito ay kritikal. Kasama ring nasugatan sa insidente si de Padua na isinugod sa kalapit na ospital.
Samantala, kumilos na rin ang DFA para tulungan ang naturang OFW. (Mer Layson)